Saturday 21 December 2013

Batas laban sa bullying, pinirmahan na ni Aquino




Pinirmahan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang isang batas na nagbabawal sa bullying sa mga paaralan sa buong bansa.


Nilagdaan ni Aquino ang Republic Act 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013 noong Setyembre 12 ngunit inanunsyo lamang ito nitong Miyerkules.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng paaralan sa elementarya at sekondarya ay kinakailangang gumawa ng mga polisiya laban sa bullying sa kani-kanilang institusyon. Ang kopya ng mga polisiya ay kailangang ibigay sa mga mag-aaral at magulang nila.

Kabilang sa polisiya ay ang pagbabawal sa bullying sa loob ng mga paaralan at kahit sa mga school-related activities. Ipinagbabawal din ang paggamit ng teknolohiya sa bullying.

Ipinagbabawal din na paghigantihan ang mga taong nagsuplong o nagbigay ng impormasyon tungkol sa insidente ng bullying.

Inatasan ng RA 10627 ang mga paaralan na magpataw ng parusa sa mga mahuhuling nambu-bully. Kailangan din silang sumailalim sa rehabilitation program na pangangasiwaan ng paaralan.

Nakasaad naman sa batas na kailangang gawing "confidential" ang pagkakakilanlan sa nasangkot sa bullying. Ang tanging makaaalam lamang nito ay ang school administration, ang gurong direktang responsable sa mga biktimang estudyante, at mga magulang o tagapangalaga ng mga naging biktima ng pambabarako.

Sa ilalim ng batas, itinuturing na bullying ang, "any severe or repeated use by one by one or more students of a written, verbal or electronic expression, or a physical act or gesture, or any combination thereof, directed at another student that has the effect of actually causing or placing the latter in reasonable fear of physical or emotional harm or damage to his property; creating a hostile environment at school for the other student; infringing on the rights of the other student at school or materially and substantially disrupting the education process or the orderly operation of a school." --JGV/FRJ, GMA News

No comments:

Post a Comment